
National Artist for Literature Virgilio Almario during Saturday’s launch of hero’s 150th birth anniversary in Quezon city
Pangungunahan ng Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang serye ng mga pagkilos at pagmumulat na nakatuon sa pagluluklok kay Andres Bonifacio bilang Unang Pangulo ng Filipinas.
“Nais naming ituwid ang mga maling akala kay Bonifacio, at kilalanin siya bilang unang lider ng isang nabubuong nasyon, ” Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng Alliance of Progressive Labor (APL) at co-convenor ng SENTRO.
Ayon mismo sa mga pananaliksik ng mga kilalang historiyador na sina Gregorio E. Zaide, Teodoro A. Agoncillo at John M. Taylor, and Katipunan ay nagtatag ng hayag na pamahalaang de facto matapos malantad and lihim na kilusan. Ang halal na pangulo ay si Andres Bonifacio. Siya ay nagsilbi bilang pangulo mula Agosto 1896 hanggang siya ay paslangin ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo nuong Mayo 1897.
Sinabi pa ni Mata na ang pagtutuwid ng nakaraan ay pagtutuwid na rin sa ating lalandasin sa kinabukasan bilang isang buong bayan. “Kailangang tumimo si Bonifacio bilang tunay na intelektuwal na lider rebolusyunaryo sa isip ng henerasyong ito at sa mga susunod na henerasyon,” ayon kay Mata.
Inilunsad ng Sentro ang maramihang porma ng kampanya para kay Bonifacio sa isang talakayan tungkol sa pulitikal na pilosopiya ni Bonifacio, sa SSS museum sa Quezon City nitong Sabado Agosto 3.
Tampok sa naturang talakayan ang mga pananaliksik at pag unawa kay Bonifacio ng ating Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario, at sinuhayan ng panel of reactors na sina: Atty. Gregorio Bonifacio, apo sa tuhod ni Gat. Andres Bonifacio; Michael Xiao Chua, propesor sa Kasaysayan; media personality at awtor Lourd Ernest de Veyra; at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chair Ma. Serena Diokno.
Sinabi rin ni Mata na “mas mahalagang mailuklok muna si Bonifacio sa isip ng kabataan at milyun-milyong manggagawa, bilang huwaran ng pagpapakatao at pagiging lider.”
“Ang mga mithiin ni Bonifacio at ng ordinaryong Pilipino ay parehong-pareho – kalayaan sa gutom at kahirapan, kalayaan sa kamangmangan at kawalang pag-asa, kalayaan sa panunupil at kalayaan sa kontrol ng mga dayuhan,” ayon kay Mata. “Balak naming baguhin ang kamalayan ng sambayanan at, sa bandang huli, layon naming baguhin ang nilalandas ng ating kasaysayan,” dagdag pa niya.
Ang SENTRO ay binubuo ng libu-libong manggagawa sa iba’t ibang unyon at organisasyon ng kabataan at maralita sa buong bansa.
Matapos ang talakayang ito ay magdaraos sila ng marami pang talakayan sa mga pabrika, opisina at komunidad ng mga manggagawa, kasama ng pagdaraos ng mga art competitions na nakatuon sa temang BONIFACIO: Unang Pangulo.
You must be logged in to post a comment.