Martsa ng Masa Laban Sa Bagong WTO Round!

Pahayag ng Stop the New Round! Coalition
State of the Nation Address (SONA)

Patuloy ang pangunguna ng Pilipinas sa martsa ng liberalisasyon sa ilalim ng bandera ng World Trade Organization (WTO).

Sa Pilipinas, bida sa martsang ito si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nanguna sa pagpasa ng Senado noong 1994-95 ng labing siyam (19) na mga kasunduan sa ilalim ng Uruguay Round ng General Agreement on Tariff and Trade o GATT at pagsali ng Pilipinas sa WTO.

Kasama sa martsa ni GMA ngayon ang kanyang mga trade negotiators: ang chief negotiator na si Sec. Manuel Roxas II ng Department of Trade and Industry, si Secretary Luis Cito Lorenzo ng Department of Agriculture, at si Sec. Romulo Neri ng National Economic Development Authority (NEDA).

Parang “majorette”, taas-nuo at magkabilang tenga ang ngiti ni GMA habang nagmamartsa sabay sa kumpas ng basag na plaka ng mga pangako ng WTO. Makalipas ang siyam na taong taos pusong pagpapatupad ng Pilipinas sa mga kasunduan, ano ang napala natin?

Umunlad ba ang agrikultura at industriya ng bansa? Nangyari ba ang ipinangakong kaunlaran sa ilalim ng WTO? Nasaan ang pangakong 500,000 libong karagdagang hanap buhay kada taon?

Mismong isang mataas na opisyal ng pamahalaan, sa isang sesyon ng Committee on Agriculture sa WTO, ay nagsabi:

Our agricultural sectors that are strategic to food and livelihood security and rural employment have already been destabilized as our development program initiatives are frustrated by the gross unfairness of the international trading environment. Even as I speak, our small producers are being slaughtered in our own markets, even the more resilient and efficient are in distress. (Ang ating agrikultura na mahalga sa kasiguruhan ng ating pagkain at kabuhayan gayundin sa trabaho sa kanayunan ay namimiligro dahil ang ating mga programang pangkaunlaran ay sinasagkaan ng napakadehadong kalakalan sa daigdig. Habang akoy nagsasalita ngayon, ang aming maliliit na prodyuser ay pinapatay sa aming pamilihan, maging ang dating matatag at episyente.)

Lumilinaw ang realidad na halos walang benepisyong nakuha ang Pilipinas sa pagtaya niya sa mga kasunduan sa WTO. Tinamaan ng husto ang agrikultura sa ilalim ng Agreement on Agriculture (AOA) na pinaka hindi pantay sa ilalim ng WTO. Bagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka ng mais, gulay, hayupan (baboy, baka, manok) dahil sa pagpasok ng mga angkat na produkto na pinamura ng sangkatutak na subsidyo. Umaabot sa 1 bilyong dolyar kada araw ang suportang ibinibigay sa agrikultura ng mga maunlad na bansang kabilang sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD). Ang pamahalaan ng Estados Unidos halimbawa ay may laang 180 Bilyong dolyar sa loob ng sampung taon sa kanilang agrikultura sa ilalim ng Farm Security and Rural Investment Act of 2002 o ang US Farm Bill.

Samantala, ang suportang ibinibigay ng Pilipinas ay di man lamang umabot sa 10 porsyentong de minimis antas ng suporta na pinapayagan sa AOA. Wika nga ng editoryal ng pahayagang New York Times noong Julyo 20, 2003 na may pamagat na “Trade Rigged Against the Poor”, habang halos 1 bilyong tao ang nagkukumahog na mabuhay sa kitang 1 dolyar kada araw, ang mga baka sa European Union ay nakikinabang sa humigit kumulang 2 dolyar kada ulo sa subsidyo mula sa pamahalaan. Dagdag pa nito, na-kabisa na ng Estados Unidos at ng Europa ang puwersahang pagbubukas ng ekonomiya ng mahihirap na bansa sa pag-angkat ng mga produktong industriyal at serbisyo habang napakabagal namang magbukas ng kanilang pamilihan sa pag-angkat ng produkto mula sa mahihirap na bansa.

Maliban sa agrikultura, ang service sector ng ekonomiya na kasalukuyang nagbibigay ng pinakamalaking trabaho sa bansa ay nanganganib din sa ilalim ng liberalisasyon. Halimbawa, gusto ng malalaking bansa na buksan natin ang natitirang proteksyon sa public services at public utilities sa dayuhang puhunan, at tanggalin ang regulasyon sa dayuhang empleyo sa ilalim ng ating Labor Code.

Panibagong Negosasyon sa WTO

Sa darating na Setyembre 10-14 ay gaganapin ang Fifth Ministerial Conference ng WTO sa Cancun, Mexico. Ang Ministerial Conference ang siyang magpapasiya ng bagong kasunduan sa WTO. Di pa man tayo nakakabawi mula sa pinsalang dulot ng mga naunang kasunduan, nais na naman nilang ng maglunsad ng “new round” ng mga kasunduan na:

Higit na pagbaba ng mga Taripa sa mga inaangkat na produktong agrikultural gaya ng mais, gulay at karne

Pagbubukas sa dayuhang kalakal ng mga serbisyo tulad ng tubig, kuryente, transportasyon, at media

Paglawak ng kapangyarihan ng WTO na saklawin ang mga usaping Investment, Competition Policy, Trade Facilitation at Government Procurement

Buhay ng ating bansa ang nakataya, pero patuloy na itinatago ng pamahalaan ang kanyang posisyon sa mga kritikal na usapin sa WTO. Pinagwalang bahala ni Roxas ang kahilingan ng Stop the New Round! Coalition na kanyang ilantad sa publiko ang posisyon ng pamahalaan sa negosasyon. Maging sa Congressional Hearings tungkol dito ay hiniling ni Roxas na isarado sa publiko.

Ipamuka natin kay Pangulong Arroyo ang tunay na State of the Nation. Palakasin natin ang ating pagkilos.. Habang ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawa ay patuloy na napipinsala ng di makatwirang mga kasunduan sa ilalim ng WTO.

Walang Dapat Ipagdiwang!

Hadlangan ang Martsa tungo sa Kapahamakan!!

Pigilin ang Bagong WTO Round!!

STOP THE NEW ROUND COALITION Organizations:Action for Economic Reforms (AER), Akbayan! Citizens Party, Alliance of Progressive Labor, Alternate Forum for Research in Mindanao (AFRIM), AR Now!, Bayanihan International Solidarity Secretariat, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Center for Agrarian Reform, Empowerment and Transformation (CARET), Confederation of Independent Unions in the Public Sector (CIU), Focus on the Global South, Freedom from Debt Coalition (FDC), Global Network-Philippines, Integrated Rural Development Foundation (IRDF), Kalayaan, Katapat, Kilusang Mangingisda (KM), Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KPD), Kilusang Makabansang Ekonomiya (KME), Labor Education and Research Network (LEARN), Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK), Partnership for Agrarian Reform and Rural Development Services (PARRDS), Peoples’ Global Exchange (PGX), Philippine Peasant Institute (PPI), Philippine Network of Rural Development Institutes (Philnet-RDI)Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM), Sanlakas, Sarilaya, Southeast Asia Regional Initiatives for Community Empowerment (SEARICE), Tambuyog Development Center (TDC), WomanHealth Philippines Individuals:Jessica Reyes-Cantos, Prof. Rene Ofreneo, Prof. Miriam Coronel Ferrer, Prof. Perlita Frago , Verna Dinah Viajar, Sharon Quinsaat,

Declaration Endorsed by : Rep. Loretta Ann Rosales, Rep.Mario Aguja – Akbayan Partylist, Rep. Del R. de Guzman – Lone District, Marikina City, Rep. Emmanuel Joel Villanueva – CIBAC Partylist, Rep. Herminio Teves-Chairperson of the House Special Committee on Globalization, , Prof. Rosalinda Pineda-Ofreneo, Greenpeace Southeast Asia, IGTN-Asia/WAGI, Federation of Free Workers (FFW), La Liga Policy Institute, MAKALAYA, PATAMABA National Network of Homeworkers, Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), , Resource Center for Peoples Development (RCPD), Rural Enlightenment and Accretion in Philippine Society (REAPS), Sandigan at Ugnayan ng Magbubukid sa Pilipinas (SUMAPI)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s